A Kabaleyan’s Thoughts…
Jueteng in Western Pangasinan
To Chief PNP Jesus Verzosa,
Dear Sir:
Ano na po ba ang ang nangyari sa ANTI JUETENG CAMPAIGN ng PNP sa bansa natin? Namamayagpag po ang jueteng sa buong lalawigan ng Pangasinan. Mula 3 hanggang 4 na beses na sila magsagawa ng bola sa loob ng isang araw.
Sa bayan po namin (sa western Pangasinan kasama na po ang bayan ninyo ng Dasol) na talamak na talamak ang tayaan ng jueteng ay lantaran lamang ang mga kubrador sa bayan, sa palengke at sa mismong paligid ng munisipyo. Ang barangay kapitan po namin ay kataka-takang biglang naging milyonaryo sa loob lamang ng napaka iksing panahon samatalang may tindahan lamang ito sa palengke.
Batid ng lahat na lahat ng mga pulitiko ay naka “Payola” sa mga Jueteng Lord kaya tikom lamang ang mga mata at bibig nila dito dahil nakikinabang sila.
Iisipin natin kapitan pa lang iyan gasino pa kaya ang aming mahal na Mayor at ang aming Chief of Police at ang iba pang mga kagawad?
Ano na po ba ang nangyari doon sa 3 STRIKE POLICY ninyo noon? Eh wala naman po kami nakitang mga nasampolan o natanggal. Ganito na lang po ba talaga tayo???? Paulit-ulit na lang? Pabalik-balik na lamang sa dating gawi?
Malapit na naman ang eleksyon, nakakatakot na magagamit na naman ng mga pulitiko ang mga perang galing dito pambili ng boto mula sa mga tao. Pambili ng mga armas at pambayad ng mga goons at private army.
Sana po maipatigil na ito ng tuluyan ng ating kapulisan, marami na pong kasamaan at masasamang mga gawain ang nag-ugat mula sa gawain na ito.
Maraming salamat at Mabuhay po kayo.
James Ryan Verzosa Fernandez
Share your Comments or Reactions
Powered by Facebook Comments