PAGMAMALASAKIT SA KAAWAY
LETTER TO THE EDITOR
SHEILA MAE L VIERNES
Cauayan City, Isabela
16 Feb 2018
Nakakalungkot isipin ang mapait na katotohanan na kapwa nating Pilipino ay kaaway pa natin. Nakakadismayang malaman na halos araw- araw ay may nababalitaan tayong namamatay na kababayan natin. Ang mas malala pa, ilan sa mga kababayan natin ay patuloy ang pakikibaka laban sa gobyerno dahil sa mga maling ideolohiya nila. Gaya na lamang ng nangyaring engkwentro sa pagitan ng kasundaluhan at teroristang NPA na ikinasawi ng isa sa kanilang miyembro sa Sallapadan, Abra.
Hindi maikakaila na kapag nanlaban ang isang panig ay agad namang babawi ang kabilang panig kaya hindi maiwasan ang may mabawian ng buhay. Ang nasawi ay nakilalang si Leonardo Manadao na tubong Pinukpok, Kalinga. Hindi man maganda ang sinapit ni Leonardo, sa huli ay mabibigyan pa rin siya ng disenteng libing dahil narekober ng kasundaluhan ang kanyang bangkay. Mabuti na lang at natagpuan ang kanyang katawan. Hindi man lang naawa ang kanyang mga kasamahan dahil hinayaan at iniwan na lamang siyang nag- aagaw buhay doon. Pinabayaan na lamang nila ang kasamahan nang ganon- ganon na lang na para bang sa isang iglap ay nawala ang kanilang mga pinagsamahan sa kilusan para lang makatakas sa otoridad. Inisip na lamang nila ang pansariling kapakanan dahil kapag tinulungan pa nila si Leonardo ay baka maabutan pa sila ng mga kalaban nila at malagay naman sa alanganin ang kanilang buhay.
Saludo ako sa ating kasundaluhan dahil sa kabila ng lahat ng pinaggagagawa ng mga teroristang NPA ay nagawa pa nilang magmalasakit sa kanilang mga kaaway. Oo, may kasalanan ang mga NPA sa ating pamahalaan ngunit hindi ito naging sapat na dahilan ng ating kasundaluhan upang isantabi na lang ang respeto nila sa mga Karapatang Pantao. Sa huli ay nanaig pa rin sa ating kasundaluhan ang kanilang pagiging isang Makatao dahil inisip pa nila ang kapakanan ng mga ito, hindi bilang kaaway kundi bilang isang mamamayang Pilipino, isang kapwa Pilipino.
Share your Comments or Reactions
Powered by Facebook Comments