Ang love ni Rachel – District 3!
Ina, ang iyong anak; anak, ang iyong ina
Ni Pauline
ANG pagdaraos ng Araw ng mga Ina ay isang makabagong selebrasyon na nagsimula lamang noong pagpatak ng ika-20 siglo. Huwag natin itong ipagkamali sa kaugaliang nagbibigay-pugay sa mga ina ng mga pagano at ng mga sinaunang Kristiyano, o sa pagdiriwang ng Mothering Sunday ng United Kingdom na nagsimula noong ika-16 siglo.
Karamihan sa mga bansa sa mundo, kasama na ang Pilipinas, ay sumasabay sa araw na itinakda ng USA bilang Araw ng mga Ina – ang ikalawang Linggo ng Mayo.
At sa aking pagmumuni-muni sa kahalagahan ng araw na ito, bumalik sa akin ang isang muntik nang nawaglit na alaala ng isang linggo ng Abril nang aking kasama ang mag-inang Arenas, Baby at Rachel.
Ang bahay na aming tinungo ay may kalumaan na, nguni’t malinis at maayos. Halatang ang mga naninirahan ay may mataas na pagpapahalaga sa isa’t isa at sa kaayusan ng kanilang tahanan. Nakiusap ang pamilya na kung maari, di hihigit sa lima katao ang papasok na panauhin sa kadahilanang napakadelikado ang kalusugan ng ginang ng tahanan. Naunang pumasok ang ating Kongresista Rachel, kasunod ang kanyang inang Baby Arenas na mahigpit na tangan ang aking manggas upang ako’y di malunod sa dami ng nakapaligid na tao, at ang isang TV reporter at ang kanyang cameraman.
Si Ginang Evelyn Muñoz ay may 67 taong gulang. Pagkaretirado sa pagiging guro, siya ay na-diagnose na may breast cancer. At ang planong maginhawa sanang pamamahinga matapos ang maraming taong pagtuturo ay naging panaginip na lamang. Kung hindi siya natural na masayahin, marahil ang nangyayari sa kanya ngayon ay kanyang ituturing na isang bangugot na walang pagkagising.
Upang matustusan ang marami pang cycles ng kanyang chemotheraphy, ang kanyang pamilya ay sumulat sa Kongresista upang humingi ng pinansyal na tulong. Ang liham na ito ay madiin na kumurot sa puso ni Kong Rachel. Mula sa kanyang sariling pondo at sa tulong na rin ng Presidente Gloria Macapagal-Arroyo, si Kong Rachel ay nakabuo ng P157,000. At ang halagang ito nga ang kanyang iniabot sa araw na iyon, araw ng Linggo, araw ng Panginoon.
Sa dalawang larawang ito, bigyang-pansin ang kanang kamay ng anak na Rachel
(larawan sa itaas), at ng kaliwang kamay ng inang Rosemary (larawan sa ibaba).
At ang mukha ng pagkagiliw ng pasyente sa kanyang mga panauhin.
Makikita sa mga larawan ang ningning ng mga mata ni Ginang Muñoz. Larawan ng pasasalamat at pag-asa. Nguni’t hindi lamang ang kanyang mga mata ang tumawag sa aking pansin. Ang mga kamay ng mag-inang Arenas ay halinhinan sa paghawak sa kamay ni Ginang Muñoz. Di-sinasadya, di-pinagisipan. Damdaming ina. Damdaming anak.
Ang pamilyang Muñoz, si G. Rosemero at ang mga anak na Roselyn at Ruchel.
Kasama si Dr. Maximo Tandoc, Jr. na syang tumitingin sa pasyente.
Ang Kongresista Rachel ay syang tumatayong Ina ng Ikatlong Distrito. Ang sumusunod na liham ay mula sa isang “anak” para sa kanyang “ina”. Ang anak na ito ay isang mag-aaral na ngayon lamang nakatikim ng maayos na bubongan sa paaralang pinapasukan:
Mahal kong Rachel,
Araw-araw ay nasasabik akong makapasok ng eskwelahan. Hindi ko iniinda ang pagtawid habang malakas ang agos ng tubig, lakarin ang isa o higit pang kilometro bago ko pa makita ang bubong ng aking eskwe-lahan.
Wala sa akin ito, subalit ang nakakapanghina sa lahat ay nagsisilbing silong ko at ng mga kaibigan ko ang araw habang idinadaos ang aming klase.
Hindi ko ito sinabi, buong akala ko’y hindi na ito napansin.
Isang araw, pagpasok ko, nakarinig ako ng pukpukan ng martilyo. Tiningnan ko, maraming karpentero ang bumungad sa mga mata ko, ginagawa ang sinabi nilang regalo buhat sa iyo.
Bahagya akong naluha sa tuwa. Sinorpresa mo ako. Noon ko naramdaman ang sinabi mong “Hindi ko kakayaning makita kang naghihirap dahil mahalaga ka sa akin.” Naramdaman ko ito at ikaw’y totoo.
Hayaan mo namang ako ngayo’y magpasalamat at magpahalaga sa ‘yo. Sana mas dumami pa ang taong matulungin na kagaya mo na walang sawang kinakalinga ang dukhang kagaya ko.
Salamat ed sika, mapag-aro ya puso, kaantabay ed liket, mas ed bagyo, kaaron Congresswoman Rachel “Baby” Arenas, sika’y nugnunoten ko! Salamat.
Share your Comments or Reactions
Powered by Facebook Comments