PANAWAGAN
CAPITOL NEWS
Ika-27 ng Marso, 2020
Mga minamahal kong Kababayan,
Alam po nating lahat na nasa isang matinding laban ang sangkatauhan ngayon. Patuloy na tumataas ang bilang ng mga namamatay dahil sa COVID-19 sa buong mundo, maging dito sa Pilipinas. Sa ating lalawigan, may mga namatay na at mayroong nasa ating ospital na positibo sa COVID-19. Ito ay panahon ng walang katiyakan. Ang sitwasyon na ito ay maaaring lumala pa. Wika nga sa Ingles, It will get worse before it gets better. Ang ating pagwawalang bahala ay siguradong magdudulot pa lalo ng ating kapahamakan, damay pa ang ating pamilya at mga mahal sa buhay.
Alinsunod sa mga alituntunin at direktiba ng ating Pangulo Rodrigo Roa Duterte at ng ating national government, lahat ng paraan ay ating ginagawa para mahinto ang pagkalat ng salot na ito sa ating probinsiya. Kasama po dito ang paghahanda sa tinatawag na worst-case scenario para kung sakaling dumating man tayo sa puntong iyon, na taimtim nating ipinapanalanging huwag mangyari, ay matapang tayong haharap na may higit na kahandaan. Failure is never an option.
Kaya’t inihahanda po natin ang mga iba’t-ibang gusali ng pamahalaang panlalawigan na nakatayo sa iba’t-ibang lugar sa Pangasinan bilang mga naka-antabay na mga extension facilities ng ating 14 na mga ospital. Hindi natin kailanman ipagdadamot ang kakayahan nating tumulong.
Ang katotohanan ay hindi lamang po ang Provincial Government ang inatasang magtalaga ng nasabing pasilidad. May kaparehas din pong utos sa lahat ng munisipyo at siyudad, pati na mga barangay, na maglaan ng nabanggit na istruktura o lugar sa kani-kanilang mga nasasakupan.
Ipanalangin po nating lahat na sana ay maging sapat na ang ating mga ospital sa labang ito para hindi na po natin sapitin ang pinangangambahan nating lahat na worst-case scenario.
Mga kababayan at mga kasama sa panunungkulan, matagal na pong nag-umpisa itong laban. Matagal na pong nakikipagbakbakan ang ating mga frontliners at essential workers at ilan na po sa kanila ang nagbuwis ng buhay. Pahalagahan po natin ang kanilang sakripisyo. Tulungan po natin sila. Ang panahong ito ay nangangailangan ng higit na sakripisyo ng lahat hindi ng iilan lamang. Mag-ambag po tayo sa solusyon, hindi sa problema.
Sa mga mamamayan, manatili po sa inyong mga tahanan at sumunod sa mga patakaran. Sa mga nakakaangat sa buhay, ituloy po natin ang pagtulong sa ating mga kapwang higit na nangangailangan. Sa mga kaparehas kong nanunungkulan, gawin po natin ang mga atas sa atin, pagbutihin ang ating trabaho, at laging isa-alang-alang ang pangkalahatang kapakanan. Pag-ibayuhin pa natin ang ating mga pagkilos.
Kagaya po ninyo, tao din lang po akong nakakaramdam ng pangamba sa giyerang ito kung saan ang ating kalaban ay hindi nakikita at wala pang natutuklasang lunas. Subalit responsibilidad ko bilang ama ng ating lalawigan na seguruhin ang kaligtasan, kalusugan, at kapakanan ng mahigit tatlong milyong katao. Makakaasa po kayo na ilalaan at ibubuhos po natin ang buong kakayahan at kakayanan ng ating pamahalaang panlalawigan.
Dito masusubok ang ating pangkalahatang kakayahan at kahandaan sa pagharap sa giyerang ito na hatid ng COVID-19. Hindi madadaig ng anumang pagsubok ang nagkakaisang mamamayan ng Pangasinan na nagawang masadlak ng makailang beses ngunit matagumpay na bumangon sa loob ng mahigit na apat na raang taon. Alam natin na sa tulong ng Diyos at sa ating pagkakaisa bilang probinsya ay muling magtatagumpay ang lahing Pangasinense.
Maraming Salamat sa inyong taos-pusong sakripisyo at pakikiisa.
Kaawaan tayo lagi ng Panginoong Maykapal.
AMADO I. ESPINO III
Share your Comments or Reactions
Powered by Facebook Comments