ZONE OF PEACE
Robert Marquez
19 Sept 2019
Dear Editor,
Ang pagdedeklara ng mga makakaliwang grupo at mga legal na prente nito na ang isinasagawang Community Support Program o CSP ng kasundaluhan ay naghahasik lamang ng gulo at karahasan sa ating bayan ay isang kasinungalingan. Hindi ako kampi sa AFP pero hindi rin ako tagapagtanggol ng mga makakaliwang- grupo at legal na prente. Nais ko lamang pong ipahayag ang aking saloobin hinggil sa nabasa kong pahayag ng Anakbayan- Ilocos at Kabataan Partylist- Ilocos tungkol sa isinagawang forum sa University of Northern Philippines o UNP kamakailan lamang.
Sa totoo lang, sumasang- ayon po ako sa sinabi nilang ang lahat ng paaralan ay “Zone of Peace” na siya namang ipinakita ng mga kasundaluhan. Wala naman akong nabalitaang may nangyaring gulo o may masamang nangyari noong nagsagawa sila ng forum. Sa katunayan, naging matagumpay pa nga ang isinagawa nilang aktibidad sa nasabing unibersidad. At hindi naman siguro isasagawa ng mga kasundaluhan ang forum kung walang pahintulot ang unibersidad. Malaya silang makalabas- masok doon dahil pumayag ang administrasyon ng unibersidad sa nasabing forum. Sa aking palagay, wala namang masama sa isinagawang forum dahil nagkaroon lang naman sila ng Info Drive o Awareness Campaign at wala namang karahasang naganap ng mga panahong iyon.
Nakakarindi na kasing makabasa ng mga paninira ng mga makakaliwang grupo laban sa mga kaalyado ng gobyerno. Na hindi ko naman lubos maisip na ganoon na lamang bang kasama at karahas ang mga nasa administrasyon? Marahil ay hindi pa namumulat ang mga taong ito sa kung ano ang totoong nangyayari at patuloy na nagpapabuyo sa sinasabi ng iba pero wala namang napapatunayan. Ang intensyon lamang siguro ng mga kasundaluhan ay magbigay ng kaalaman sa taong bayan at lalong- lalo na’t iparating sa mga kabataan na ang kanilang organisasyon ay hindi dapat katakutan at kagalitan dahil andiyan lamang sila para tayo ay protektahan at ipagtanggol laban sa mga may masasamang hangarin.
Nagpapahiwatig lamang na sa mga ginagawang pahayag ng mga legal na prenteng ito ay ayaw nilang magkaroon ng kaunlaran at kapayapaan sa kanilang nasasakupan. Natatakot sila na mamulat na sa katotohanan ang mga kabataan dahil ibig sabihin nito ay maiitsapuwera na sila at hindi na sila papaniwalaan pa. At higit sa lahat, mawawalan na nang saysay ang kanilang pagbabalatkayong ipagtanggol ang mga karapatan ng kanilang mga kalahi. Kung hindi sana naging maganda ang resulta ng aktibidad ng kasundaluhan sa unibersidad ay hindi buong makikipartisipa ang mga kabataan pero ayon naman sa nabasa kong pahayag ay gumawa pa ng Open Letters ang mga estudyante para sa mga kapatid nilang nalihis ng landas. Nais ko lang iparating sa karamihan na dapat ay maging parte tayo ng solusyon sa problema at huwag ng dumagdag pa sa mga problema.
Share your Comments or Reactions
Powered by Facebook Comments