Pagbati at paalala ngayong Panahon ng Kapaskuhan mula kay Gov. Amado I. Espino III at sa Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan

Mga Minamahal Kong Kababayan,

Malapit nang sumapit ang Araw ng Pasko at ang Bagong Taon.

Inaasahan po natin na maraming uuwi o bibisita sa ating lalawigan mula sa ibang bansa o di kaya’y mula sa Maynila at mga ibang karatig-lalawigan.

Bagamat nauunawaan natin ang pagnanais ng bawat isa na maipagdiwang ang darating na Pasko at Bagong Taon tulad ng dati, nais ko pong ipaalala na hindi pa po tapos ang ating pakikipaglaban sa COVID-19.

Noong October 3, umabot tayo sa 456 na active cases ng COVID 19. Ito na ang pinakamataas na inabot ng aktibong kaso sa ating lalawigan.

Subalit dahil sa ating pagtutulungan at sakripisyo, unti-unting naibababa natin ang bilang ng mga active cases ng COVID-19, habang dumarami ang mga gumagaling.

Noong December 2, 141 na lamang ang aktibong kaso sa ating lalawigan.

Habang nagsisidatingan na ang mga galing sa ibang probinsiya, kapansin-pansin ang muling pagdami ng mga aktibong kaso.

As of December 14, meron na tayong 219 na active cases.

Dahil dito, hinihikayat po natin ang lahat na patuloy pa ring sumunod sa mga health protocols at sa mga alituntunin ng ating pamahalaan para mapabagal pa natin ang pagdami ng mga bagong kaso.

Huwag po nating kalimutan na ang lalawigan ng Pangasinan ay nasa ilalim pa rin ng Modified General Community Quarantine hanggang December 31, 2020.

Patuloy po akong nananawagan din sa mga lokal na pamahalaan na siguraduhing nasusunod pa rin ang mga health protocols sa inyong mga lugar. Bantayan pong maigi ang mga bumibisita sa ating mga sinasakupan.

Mga kababayan ko, tuloy po ang paggunita ng Pasko at Bagong Taon, pero isaalang-alang natin ang kalusugan at kaligtasan ng ating pamilya, ng ating bayan, at ng ating lalawigan.

Sayang naman po kung ang lahat ng ating pagod at sakripisyo, lalo ng ating mga frontliners, ay mauwi sa wala.

Hanggat maari, manatili lamang tayo sa ating mga tahanan. Kung hindi naman kinakailangan, iwasan pa rin nating lumabas.

Higit sa lahat kailangan pa rin natin ang disiplina sa ating sarili para sa kaligtasan ng ating pamilya.

Alam ko po na napakahirap ng situasyon natin ngayon. Napakarami pong mga bagay sa buhay natin ang napagkait dahil sa pandemya.

Magtiis at magtiyaga po muna tayo sa simpleng pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon kasama ang ating mahal sa buhay.

Darating din ang panahon, mga kababayan, na maipagdiwang natin ang Pasko gaya ng dati kasama ang ating buong pamilya at mga kaibigan.

Sa ngalan po ng lahat ng bumubuo ng pamahalaang panlalawigan at sampu ng aming pamilya, maraming salamat at binabati ko po ang lahat ng isang Makabuluhang Pasko at Mapagpalang Bagong Taon!

Share your Comments or Reactions

comments

Powered by Facebook Comments