“Ipinaglalaban Ang Minamahal”
By Atty. Farah G. Decano
“ANO ba ang ipinaglalaban mo?”
Madalas ito ang naitatanong natin sa mga taong tila may ngitngit sa kanilang katawan na hindi maintindihan o tila may bumabagabag sa kanilang pagkatao.
“Ang mahal ko.”
Heto marahil ang maikling sagot ng mga tumatakbo para sa pagkapangulo. Ano nga ba ang mahal nila?
Kung ituturing natin silang mga mangingibig na gustong sungkutin ang puso ng ating inang bayan, sino kaya ang magwawagi? Dapat nating tandaan, na sinuman ang ating mapusuan ay siyang may hawak sa kinabukasan ng ating bansa at ng mga susunod pang henerasyon. Kung tunay nating minamahal ang bansa, ipagtatanggol natin ito sa mga manunuyong makasarili.
Sasagutin ba natin ang manliligaw na nagbigay ng ibayong karangalan sa ating bansa sa larangan ng tagis lakas? Ngunit, utang na loob ba natin sa kanya ang pagkakilanlan ng Pilipinas sa isports para ibayad natin ang pagkapresidente?
Teka, teka… di ba’t may pangako ang manunuyong ito na sya raw ay hindi na makikipaglaban sa larangan ng bayarang digma? Ilang beses na ba nyang tinalikuran ang kanyang salita nang harap-harapan? Ito ay tinatawag na sa ingles na red flag. Para sa akin, hindi lamang ito pulang bandila kundi pulang kumot na bumabalot sa taong may pagkasinungaling. Hindi ko ipagkakatiwala sa kanya ang aking bansa at ang aking kinabukasan. Dahil sa paulit-ulit nyang pagbasag ng kanyang palabra de honor, batid kong hindi malinis ang hangarin para sa bansa.
Ano ba ang ipinaglalaban ng manunuyong ito? Ang pagmamahal ba sa Pilipinas o sa sarili? Para sa akin, isa syang oportunistang gusto lang nang karangalan at kapangyarihan ng posisyon. Kung mahal nya ang Pilipinas, ipapaubaya nya ang pamamahala sa tunay na mangingibig.
Papatuluyin ba natin sa ating bahay ang isa pang agresibong mangingibig? Matipuno at may tiwala sa sarili. Nasungkit na pala ng tatay nya ang puso ng Inang Bayan noon. Dahil ang ama ay isang mapanakit na mandarambong, sugatang kumalas ang huli. Ngayon, gusto daw ipagpatuloy ng anak ang nabiting pagsuyo ng ama. Tatanggapin pa ba natin ang alay na pag-ibig?
Teka, teka … ibinalik na ba ng anak ang mga nakuhang pera ni Inang Bayan? Bakit sasalubungin ng ngiti ang isang manliligaw na ayaw humingi ng kapatawaran sa paglapastangan sa kaban ng ating bayan? Baka lalo tayong malugmok sa kahirapan hanggang tuluyang wala na tayong ipamana sa mga ipapanganak pa lang?
Ano ba ang ipinaglalaban ng manliligaw na ito? Ang linisin ang pangalang nadungisan ng ama o ang pag-ibig sa bansa? Tila, sarili ang iniisip. Hindi ang bayan.
Ngunit, sa isang dako, may isang tahimik na manunuyo. Masipag mag-igib ng tubig at magaling magsibak ng kahoy. Matiisin. Tahimik. Pasulyap-sulyap. May kaba sa dibdib at takot mabalewala ang pag-ibig.
Teka, teka…paano mo sasagutin ang isang taong di naman nagtatanong? Hindi ko pipiliin para sa bansa ang isang taong duwag na hindi kayang isugal ang sarili para sa bansa.
Nakakagulat ang nakaraang araw. Biglang tumindig ang manliligaw. Nabatid nya na hindi sapat ang pagtitiis para sa bayan. Napagtanto nya na kailangang isugal ang sarili at ipaglaban ang minamahal.
Ako ay natuwa. Kahit papaano ay may mangingibig na pwedeng patuluyin sa bahay para kilatisin ang mga plano sa bayan.
Dakila sana ang pag-ibig niyang alay.
(Editor’s note: Atty. Farah Decano decided on the Pilipino language this issue only to relate to the national political issue this month, starting with the filing of certificates of candidacies).
Share your Comments or Reactions
Powered by Facebook Comments