Pagdiriwang ng Buwan ng Wika sa Pangasinan, sinimulan sa Pambansang Kongreso ng KWF

CAPITOL NEWS

MAS binigyang-kahulugan ang pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa sa Pangasinan nang pormal na sinimulan ang Pambansang Kongreso sa Pagpaplanong Wika na ginaganap ngayon sa Sison Auditorium hanggang ika-7 ng Agosto.

Ang nasabing pambansang kongreso, ay kabilang sa mga aktibidad ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) para sa pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa ngayong taon na may temang “Filipino: Wika ng Pambansang Kaunlaran.”

Binigyang-diin ni Gobernador Amado T. Espino, Jr., sa kanyang mensahe sa pambukas na palatuntunan ng nasabing kongreso na: “Mahalaga ang pagpapa-laganap at pagpapa-unlad ng ating sariling wika upang magkaroon ng malinaw na pananaw sa katutubong katangian ang mga mamamayan.”

Sinabi ni Gob. Espino na bawat rehiyon sa bansa ay mayroong kanya-kanyang katutubong katangian o ‘distinct cultural identity’ na aniya ay mga palatandaan na nagpapakilala sa likas na katangian ng mga etnolingwistikong pangkat.

Pinangunahan

Pinangunahan nina Gob. Amado T. Espino, Jr. at ng tagapangulo ng KWF na si Virgilio Almario ang paggawad ng parangal bilang Ulirang Guro sa Filipino sa Rehiyon Uno kina Eric Cariño ng Manaoag National High School at Cristina Javier ng Pangasinan State University. /MVSadim

Sa pakikipag-ugnayan na din sa KWF sa pangunguna ng Tagapangulong Virgilio Almario, naisakatuparan ang pagkakaroon ng Ortograpiyang Pangasinan na kinikilalang kauna-unahang ortograpiya ng isang etnolingwistikong pangkat sa buong Pilipinas.

Maliban sa pagpapaigting ng paggamit ng wikang Pangasinan sa araw-araw na ugnayan at pakikipagtalastasan, inilunsad din ng pamahalaang panlalawigan ang “Luyag Ko Tan Yaman” bilang opisyal na himno ng probinsya na kinakanta sa tuwing flag ceremony, mga palatuntunan at mga espesyal na kaganapan sa iba’t ibang bayan at syudad sa Pangasinan.

Samantala, ipinagmalaki naman ng Bise-Presidente ng Unibersidad ng Pilipinas (UP), Prospero De Vera III, isang tubong Pangasinan, ang kasunduang nilagdaan ng pamahalaang panlalawigan at UP para sa pagsasaliksik at pangangalaga ng wika at kultura ng Pangasinan, sa tulong mga propesor sa nasabing pamantasan na nagmula sa lalawigan ng Pangasinan.

Binanggit ni De Vera na kabilang sa nasabing kasunduan ang pagkakaroon ng Pangasinan Studies Center kung saan ilalagak ang mga pag-uulat sa gaganaping mga cultural mapping at inventory ng kasaysayan ng mga pook sa probinsya.

Sa paghahangad na mapalakas ang pagsusuri ng KWF sa wikang pambansa, idinagdag ni De Vera na sana ay palakasin pa ang pakikipagtulungan ng media at mga akademya upang maitaguyod ang isang wikang may tiyak na pamantayan.

Tampok din sa programa ay paggawad ng mga parangal sa mga Kampeon ng Wika na tubong Pangasinan na sina Elvira Estravo, Komisyoner ng Pangasinan Historical and Cultural Commission; at Rosa Maria Magno.

Pinarangalan din sina Eric Carino ng Manaoag National High School at Cristina Javier ng Pangasinan State University bilang mga Ulirang Guro sa Filipino sa Rehiyong Uno.

Back to Homepage

Share your Comments or Reactions

comments

Powered by Facebook Comments